Kabanata 21
Pagkatapos ng isang nakakapagod na araw, oras na para umuwi sila. Kailangan ni Rhianne makipagkita kay Calvin ngayon at hindi siya kayang samahan ni Francis kasi kailangan pa niyang tapusin ang research papers niya, kaya nagdesisyon si Keith na ihatid si Rhianne. Habang naghihintay kay Keith sa car park, tinawagan ni Rhianne ang kanyang ina para ipaalam na pupunta siya sa bahay ni Keith para makipagkita kay Calvin at gawin ang kanilang homework.
"Akala mo ang galing-galing mo porke Lancester ka?!"
Nung sinundan niya kung saan nanggagaling ang mga boses, nakita ni Rhianne na si Keith ay napapaligiran ng pitong mga batang lalaki mula sa kanilang klase. Mabilis na nagtago si Rhianne at nakinig sa kanilang usapan.
"Anong pinagsasabi mo diyan?" tanong ni Keith.
"Wag ka nang magpanggap! Palagi kang nagpapaka-cool para makuha ang atensyon ng iba. Wag mong akalain na hindi namin alam na isa ka lang freak!" sabi ng isang matabang batang lalaki.
"Tama!" dagdag ng isang matangkad at payat na batang lalaki. "Bakit ka nagsu-suot ng contact lens? Alam naming lahat na iba ka sa amin."
"So ano kung mayaman ang pamilya mo? Isa ka lang halimaw na nagtatago! Kung ako ikaw, magtatago na lang ako sa kwarto ko buong araw."
Hindi sumagot si Keith. Tiningnan lang niya sila. Alam ni Rhianne na tinatamaan ng mga batang lalaki na 'yon ang pinaka-ayaw kay Keith ngayon. Naalala niya na ikinuwento sa kanya ni Calvin kung bakit ayaw ni Keith sa mga mata niya.
Noong bata pa siya, binubully si Keith dahil sa kanyang mga mata. Binubugbog siya ng mga batang 'yon o kaya ay nagtatapon ng masasakit na salita sa kanya. Minsan, uuwi si Keith na madumi at puno ng maliliit na sugat. Noong mga panahon na 'yon, abala ang kanilang mga magulang sa ibang bansa sa pag-aasikaso ng kanilang negosyo habang abala naman si Calvin sa kanyang thesis at madalas na nasa dormitoryo.
Kapag tinatanong ng mga katulong si Keith tungkol sa kanyang mga sugat, sasabihin lang niya na nagiging pabaya siya habang naglalaro sa labas. Dahil bata pa siya, iniisip ng iba na normal lang 'yon. Pero nagpatuloy ito ng buong buwan. At doon nagsimulang mag-imbestiga si Calvin sa katotohanan. Nalaman niya na binubully si Keith ng mga kaklase niya. Siyempre, agad na kumilos si Calvin para pigilan 'yon, pero ang epekto nito ay nakatanim na sa isipan ni Keith.
Mula sa pananaw ng isang matanda, hindi naman talaga problema 'yon dahil mga bata pa sila. Pero napakabata pa ni Keith noong mga panahong iyon. Inosente pa siya at naniniwala sa mga salita ng mga batang 'yon. Simula noon, sinubukan ni Keith na iwasan ang pakikipagkita sa mga estranghero at palaging nagsu-suot ng contact lens para itago ang kanyang mga mata.
Lalabas na sana si Rhianne at pipigilan ang mga bully na 'yon nang may nagsalita sa likuran ni Keith.
"Pinapayuhan mo ba siya o naiinggit lang kayo sa kanya?"
Nakita nilang naglalakad palapit sa kanila si Andrew. Nakalagay ang kanyang mga kamay sa kanyang bulsa at may maliit na ngiti.
"Hindi ka ba natatakot na maghiganti ang pamilyang Lancester kapag nalaman nilang binubully mo siya?"
Nang marinig ito ng mga batang lalaki, lumukob ang nakakakilabot na takot sa kanilang dibdib. Bata pa sila, pero tinuruan na sila ng kanilang pamilya ng mga pangunahing kaalaman pagdating sa negosyo. Siyempre, alam na nila na ang Lancester ang pinakasikat na pamilya ng mga elite at kasalukuyang may pinakamalaking negosyo sa lungsod.
Gusto lang ilabas ng mga batang lalaki na ito ang kanilang pagkabigo at selos. Pinuntirya nila si Keith sa pag-asang mawawalan siya ng tiwala sa sarili. At dahil sinimulan na nila ito, hindi na nila ito mapipigilan at nagpatuloy na lang sa kanilang mga gawain.
"So ano kung Lancester siya? Ginagamit lang ng freak na 'yon ang pangalan ng pamilya niya bilang backup."
"At sino ang nakakaalam kung malulugi ang pamilya nila minsan at mawawala ang kanilang kasikatan at pera."
Biglang sumakit ang ulo ni Rhianne nang marinig niya ang mga sagot na 'yon ng mga batang lalaki. Sikat ang Lancester sa paraan nito ng paghawak sa negosyo nito. Ang salitang 'pagkalugi' ay hindi kailanman iiral sa kanilang diksyunaryo. Ang mga batang lalaki na 'yon ay talagang mga tanga. Bigla siyang nag-alala tungkol sa kanilang kinabukasan.
'Ulit-ulitin mo. Hindi hahayaan ni Mr. Protagonist na mangyari 'yon. At kahit maranasan niya 'yon, palaging may paraan si Mr. Protagonist para gawing maganda ang kanyang malas.'
"Ginagamit ko ang pamilya ko bilang backup? Hindi ba kayo ganoon din?" nang-iinis na tanong ni Keith sa kanila.
"Tumahimik ka!" sigaw ng isa sa mga batang lalaki. "Maghintay ka lang hanggang sa mamanahin ko ang negosyo ng pamilya ko. Titiyakin ko na mawawala ang lahat sa pamilya mo!"
"Nagsasalita ka na parang sigurado ka na mamanahin mo ang negosyo ng pamilya mo." biglang singit ni Andrew. "Narinig ko na maraming anak ang tatay mo sa labas ng pamilya mo. Sino ang nakakaalam kung ikaw lang ang may kakayahang humawak ng negosyo mo."
Tumindi ang tibok ng puso ni Rhianne nang marinig niya ang sinabi ni Andrew sa mga batang lalaki na 'yon. Ang karakter na 'yon ay masyadong naiiba sa Andrew na kilala ng lahat sa kanilang klase. Siyempre, alam na ito ni Rhianne, pero ang maranasan ito sa totoong buhay ay nakakagulat pa rin para sa kanya.
"Ikaw... !"
"Kung wala ka namang gustong sabihin na interesante, aalis na kami ngayon."
"Hayop ka! Wag kang magpaka-mataas. Isa ka lang bagong yaman na gustong maging bahagi ng mataas na lipunan!"
Biglang tumigil ang mga hakbang ni Andrew. Hindi nagsalita si Andrew kaya inisip ng batang lalaki na biglang natamaan ang mahinang punto ni Andrew.
"Heh. I bet na pipilitin mo lang na mapunta rito para humanap ng isang mayamang babae na mag-aangat sa iyo sa aming lipunan. Obvious naman na ang mga mahihirap na tao na tulad mo ay mahilig mangarap ng isang bagay na hindi nila kayang makuha."
Itinaas ni Andrew ang kanyang ulo para titigan ang mga batang lalaki. Hindi siya nagsasabi ng kahit ano. Dahil dito ay naiirita at nagagalit ang batang lalaki.
"Ano?! Magsalita ka, hayop ka!"
"Wala lang. Nagtataka lang ako kung paano ka nakaligtas hanggang ngayon na may ganong uri ng utak," sabi ni Andrew.
Ang mga salitang iyon ang nagpagalit sa batang lalaki. Bigla siyang sumuntok sa mukha ni Andrew. Kasama ang kanyang mga kaibigan, patuloy nilang sinuntok si Andrew at Keith saanman. Obvious na ayaw nilang matalo kaya lumaban din sina Keith at Andrew. Biglang nagdulot ito ng malaking gulo sa car park.
Alam ni Rhianne na hindi niya sila mapipigilan. Kaya tumakbo siya at tinawagan ang mga gwardya ng paaralan at ilang mga guro para humingi ng tulong. Sa kabutihang palad, mabilis siyang sinundan ng dalawang gwardya at mga guro para pigilan ang away. Nang bumalik si Rhianne kasama ang mga gwardya at ang kanilang mga guro, nakahiga na si Keith sa lupa.
Malapit nang sipain ng matabang batang lalaki si Keith sa kanyang likod kaya tumakbo si Rhianne palapit sa matabang batang lalaki at tinulak siya. Dahil tinulak ng isang tao, gusto ring gumanti ng matabang batang lalaki kaya tinulak niya si Rhianne. Nawalan siya ng balanse at natumba sa kanyang mga tuhod. Dahil ang lupa ay gawa sa mga brick, ang magaspang na ibabaw nito ay kumamot sa mga tuhod ni Rhianne.
Gusto pa ring sipain ng matabang batang lalaki si Keith nang may humawak sa kanyang kwelyo at binigyan siya ng isang malakas na suntok sa kanyang ilong. Si Andrew ang sumuntok sa kanya. Hindi pa rin nasiyahan si Andrew at binigyan ang batang lalaki na 'yon ng isang malakas na sipa sa kanyang tiyan.
Sa tulong ng mga matatanda, sa wakas ay natigil ang away. Dinala ng mga gwardya si Andrew at ang iba pang mga batang lalaki sa detention room. Walang anumang sugat si Andrew kaya hindi na niya kailangang pumunta agad sa klinika. Dahil si Andrew ay may reputasyon bilang isang mabuting estudyante, siyempre, tatanungin muna nila siya sa dahilan ng gulong ito. Tinulungan din ng ilang mga guro sina Keith at Rhianne na pumunta sa klinika.
Habang dahan-dahan silang naglalakad para pumunta sa detention room, lumingon si Andrew para tingnan si Rhianne na tinutulungan ng isang gurong babae. Nagtagal ang kanyang mga tingin sa kanyang pigura nang ilang sandali hanggang sa wala na siya sa kanyang paningin.