Kabanata 25
'Anong ginagawa mo dito?'
Ang puso ko, grabe kung tumibok sa presensya niya.
'Nakikita mo ba 'yung lalaking 'yon, Kur?' Tanong niya pabalik, imbes na sagutin ako.
'Bakit ka nandito, Hekob? Stinastalk mo ba ako?' Hindi ko napansin na paatras ako nang paatras. Siya naman, pasulong nang pasulong, sinusundan ang bawat galaw ko.
'Kung sasabihin kong oo, sasagutin mo ba 'yung tanong ko, love?'
Napalunok ako. 'Anong ginagawa mo dito, Hekob?' Tumigil ako sa pag-atras. Tumigil din siya nang isang dangkal na lang ang layo niya sa akin.
'Pumasok ka na nga.' Tumango siya sa building na tinitirhan ko. 'Sasagutin ko mga tanong mo diyan sa loob.'
Tanga ba ako at pinapasok ko siya sa apartment ko? Mukha naman siyang walang gagawing masama nang makapasok kami. Inilibot niya ang tingin niya sa sala na para bang walang balak manakit sa akin. Tahimik at mapagmasid siya, na para bang walang masamang plano.
'Titingin-tingin ka na lang ba o sasagutin mo na ako?' Tumigil siya. Binaba niya 'yung picture frame sa center table na may litrato naming dalawa. 'Yung litrato, kuha sa kasal ni Bel. Pareho kaming abay ni Kwin.
Lumapit sa akin si Hekob. Maingat at walang gana ang mga kilos niya. Tumigil siya nang nasa harapan ko na siya.
'Ayaw mo malaman kung bakit ako nandito, love. Tiwala ka lang sa akin… pero kung gusto mo talaga. Sasabihin ko sa 'yo.' Nanliit ang mga mata ko, sinamaan ko siya ng tingin.
Kahit alam ko na 'yung gist kung bakit siya nandito, gusto ko pa rin marinig mula sa kanya.
'Ilang araw na ang nakalipas, nakakita ako ng napakagandang babae na nasa isang magazine. Kilala ko siya. 'Yung mukhang hindi ko makalimutan.' Biglang hinawakan niya 'yung mukha ko, hinaplos ang pisngi ko.
Umiwas ako bago pa man niya mahawakan ang mga labi ko. Mabagal na bumaba ang kamay niya sa gilid niya.
Lalo pang bumilis ang tibok ng puso ko kada segundo. Bigla kong nalaman kung bakit siya nandito.
'Nakita kita, Kur.'
At hindi dahil kay Kwin.
'Nung nakilala kita sa magazine na 'yon, gusto na kitang angkinin. Gusto kita.'
Siguro, 'yung party na ginawa para sa matagumpay na event na kakatapos lang namin. Ang mga Veselov at 'yung party mismo, nakalagay sa mga dyaryo at magazine.
Napahigpit ang kamao ko sa pag-amin niya at halo-halo na ang nararamdaman ko ngayon. Gulong-gulo ang isip ko sa mga posibilidad na gagawin niya. Mga posibilidad na hindi maganda.
'Tama ka na iba ang dahilan kung bakit ako nandito pero hindi mo nahulaan kung ano 'yun. Sigurado ako nagulat ka na ikaw pala 'yon.' Kalmado niyang sinabi.
Aminado akong nagulat ako pero pinigilan ko ang reaksyon ko. Hindi niya dapat makita kung gaano niya ako naapektuhan kaya nagpakatatag ako hangga't kaya ko.
'Hindi mo naman kailangang mahiya. Tutal, akin ka na ngayon, Kur.' Lumapit pa siya sa akin. 'At ang dahilan kung bakit tayo nandito ay binibigyan kita ng pagkakataon na maghanda. Sasama ka sa akin.'
'Paano kung ayoko?' Hinahamon ko siya.
Nakangisi siya nang mayabang. 'Alam kong alam mo kung ano ang kaya kong gawin, love. Kung hindi kita mapapasakin, sisiguraduhin kong wala rin sa 'yo ang mga kaibigan mo. Sigurado akong alam mo na ang nangyari ngayon ay babala. Alam kong alam mo 'yon dahil hindi ka mapakali ngayon na bumalik ako. Napaka-intuitive mo at 'yun ang hinahangaan ko sa 'yo.'
Umiwas ako ng tingin at pumikit, talo na. Alam ko na rin naman kung ano ang sasabihin niya.
May pagpipilian pa ba ako? Mukhang wala.
'Ngayon, mag-impake ka na ng mga gamit mo. Mapagbigay naman ako na hayaan kang kunin 'yung gusto mo para komportable ka sa bahay natin.' Diniinan niya ang salitang 'bahay natin.'
Namanhid ako at natalo habang nag-iimpake ako ng gamit ko. Wala akong ganang dalhin 'yung mga paborito kong gamit. Kahit 'yung stuffed toy ko na asong kulay brown na lagi kong katabi kapag natutulog. Mga damit ko lang ang inimpake ko.
'Sabihin mo sa mga kaibigan mo na magta-travel ka o magbabakasyon. Wala akong pakialam kung ano ang sabihin mo basta hindi sila maghihinala.' Utos niya pagkaupo pa lang namin sa loob ng kotse niya.
Kinuha ko 'yung phone ko sa coat ko at nagsimulang gumawa ng mensahe para sa kanila. Buti na lang at lagi kong sinasabi sa kanila na magta-travel ako. Walang pagdududa ang text ko sa kanila.
Inilahad niya ang kamay niya pagkatapos kong ipadala sa kanila ang mensahe. Nag-aalangan kong ibinigay sa kanya ang phone ko. Sa sobrang gulat ko, binend niya 'yung phone hanggang sa naputol ito sa gitna. Nanlaki ang mga mata ko, bumilis ang tibok ng puso ko. Halos hindi na ako makahinga.
Narealize ko na hindi ako makakatakas sa kanya.
Tinanong ko ulit ang sarili ko. May pagpipilian pa ba ako?
Oo. Pero ang pagpipilian, para sa mga kaibigan ko lagi 'yon. Sisirain ng pagkamakasarili ko ang buhay ng ibang tao. Hindi ko 'yon gugustuhin. Hindi ko hahayaang mangyari 'yon. Kailanman.
---
Kinabukasan, gumising ako nang maaga. Hindi talaga ako nagigising nang maaga. Alam 'yon ng lahat. Hindi na nakapagtataka kung bakit palagi akong late sa trabaho. Siguro, dahil mas maganda ang trabaho ko sa gabi.
Pero, iba ang istoryang ito. Hindi ako makatulog kagabi kahit anong gawin ko, kahit anong ikot ko at hanap ng komportableng posisyon sa bagong kama at bagong bahay.
Binigyan ako ni Hekob ng sarili kong kwarto. Malaki 'yung bahay niya at malayo sa siyudad. Gusto kong isaulo ang daan papunta sa bahay niya pero hindi ko kaya. Masyado akong abala sa mga iniisip ko.
Hindi man mapapansin ng iba pero kinakabahan at natatakot ako at sinubukan kong itago 'yung katotohanan mula sa kanya. Pinagsamantalahan na niya ang pagmamahal ko sa mga kaibigan ko. Hindi ko gusto na maging isa sa mga baraha niya ang mga emosyon ko.
Maputla ang mukha ko at puno ng itim na bilog ang mga mata ko nang makita ko ang repleksyon ko sa salamin pagkatapos kong maghilamos. Narealize ko na dapat pala akong maligo.
Pagkatapos magpalit, bumaba ako para hanapin ang kusina at maghanap ng makakain. Dahil mananatili ako rito nang matagal, siguro 'pag nagsawa na siya sa akin na hindi ko naman sigurado kung kailan, hahayaan kong maging komportable ako sa malaking bahay na 'to.
Nakita ko 'yung mesa kung saan nakaupo si Hekob sa dulo ng mesa na may hawak na mga papel at 'yung isa, may kape. Tumaas ang ulo niya nang maramdaman niya ang presensya ko.
'Halika.' Sinenyasan niya ako na umupo sa upuan sa tabi niya na ginawa ko naman nang walang pag-aatubili.
Maraming pagkain ang nakahanda para sa almusal at lalo akong nagutom nang makita ko 'yon. Sinimulan kong kunin 'yung gusto ko at kumain nang walang permiso niya.
Tinitigan niya ako habang kumakain ako. 'Ano?' Sigaw ko.
'Maganda na nagsisimula ka nang maging komportable rito.'
'Alam mo, lagi kong tinatanong ang sarili ko 'to.' Huminto ako at nagpatuloy. 'May pagpipilian ba ako?'
'Maganda na alam mo.' Umikot ang mga mata ko sa sagot niya.