Mangmang na Noble
Huminga ako nang malalim habang nakatingin sa kalangitan, nabubulag ako ng sikat ng araw. Parang handa na ang katawan ko na hintayin na magising ang tatlo.
Tinignan ko ang bintana ng kwarto kung saan sila natulog kagabi, tulog pa rin sila. Pagod na pagod ako, gaano ba katagal matulog ang mga tao? Nagpapasalamat ako dahil ang mga nilalang na katulad ko ay hindi na kailangan pang matulog nang matagal, sinasayang lang nila ang oras nila sa paghiga sa kama ng matagal.
"Plano bang gumising ng tatlong 'yon?" tanong ko sa sarili ko. Sumilip ulit ako sa bintana at nakita ko ang paggalaw ni Bael na bumagsak sa kama, pagod na ako.
Kailangan kong bumaba at humanap ng makakain para sa tatlo. Nang bumaba ako sa puno ay luminga ako para tingnan kung may nakakita sa akin, nagpapasalamat ako na walang tao sa lugar na 'to. Naglakad ako papunta sa malapit na palengke.
Nakita ko ang paraan ng pagtingin sa akin ng mga tao, dahil 'yon sa maliit kong sungay sa ulo.
"Magkano 'to?" tanong ko, nagulat ang babae sa biglang paglitaw ko, agad siyang tumayo at tumingin sa akin.
"Dalawang ginto at isang pilak," sabi niya, tinignan ko ang iba niyang paninda. Ipapaluto ko na lang ang pagkain nila.
"Bibili ako," sabi ko pagkatapos ay tinignan ng mabuti ang babae, hindi ito ang tamang oras para bawiin ang kanyang buhay. Huminga ako nang malalim at kinuha ang tatlong gintong piraso mula sa palasyo. Ibinigay ko 'yon sa kanya saka humarap para kunin ang mga paninda.
"Sandali lang Binibini, kukunin ko lang ang sukli mo." Hindi ko na lang siya pinansin. Nagpatuloy ako sa paglalakad pabalik sa munting bahay. Pagkapasok ko ay nakita ko ang babaeng namamahala sa bahay na 'yon.
"Magandang umaga Binibini, parang kararating mo lang," sabi niya nang nakangiti. Tinitigan ko lang siya saka itinaas ang kamay ko.
"Pakigising naman po ang mga kaibigan ko," sabi ko kaya kumunot ang noo niya. "Nakita ko na may kusina kayo rito, hiramin lang namin saka aalis na kami," sabi ko saka naglagay ng anim na gintong barya sa harap niya, nanlaki ang kanyang mga mata, at agad na tumingin sa akin.
"Masyado namang marami--"
"Sundin mo na lang ang mga utos ko," sabi ko saka naglakad papunta sa kusina na nasa kabilang panig.
Inilapag ko ang karne na dala ko saka umupo sa isang upuan at hinintay silang dumating. Ilang minuto pa ay nakita ko muna si Cynrad na nakayuko habang naglalakad papunta sa akin. Sumunod si Bael na nagkamot ng likod niya at si Pavel na nakapikit pa rin habang hawak si Bael.
"Anong nangyari?" tanong ni Cynrad, binuksan ni Pavel ang kaliwang mata niya kaya nagtama ang paningin namin, bigla siyang tumuwid at ngumiti sa akin.
"Magandang umaga Ksara, kamusta ang tulog mo?" tanong niya, napangiwi ako.
"Hindi ako natulog," sabi ko kaya napatingin sa akin sina Bael at Cynrad.
"Gago ka ba?" tanong ni Bael at naupo sa isang upuan.
"Masakit ang ulo ko." Ungol ni Cynrad, lumapit sa akin si Pavel kaya tinignan ko siya, ngumiti siya at bigla akong niyakap dahilan para manlaki ang mga mata ko at lumitaw ulit ang mga imahe sa paningin ko.
"Magandang umaga." Bati niya nang masigla saka inalis ang yakap. Nanigas ang katawan ko dahil sa ginawa niya. Gago!
"Aling alagad ni Satanas ang nagsabi sa'yo na pwede mo akong yakapin?" galit na sabi ko dahilan para manlaki ang mga mata niya at lumayo sa akin.
"P-pasensya, gano'n kasi ang bati sa amin ng babaeng gumising sa amin kanina. Niyakap niya kami dahil 'yon ang ginagawa ng mga mamamayan dito." Paliwanag niya kaya tumayo ako at dahan-dahang lumapit sa kanya, umatras siya dahilan para sumandal siya sa pader at napalunok siya nang ikulong ko siya ng aking mga braso.
"Sa susunod na yayakapin mo ako, ang yakap ng kamatayan ang magpapadala sa'yo sa impyerno," madilim na sabi ko kaya nakita ko ang takot sa kanyang mga mata.
"K-Ksara--"
"Anong klaseng karne 'to?" Pumikit ako nang maalala kong may mga kaibigan kami rito. Lumayo ako kay Pavel saka tinignan ang kasama namin na nakatingin sa amin.
"Luluto kayo," sabi ko dahilan para manlaki ang mga mata nila at mag-ingay.
"Ano?! Swerte mo ha? Galing kami sa--"
"Rule number 2, susundin niyo ang mga utos ko, at rule number 3, isasantabi niyo ang pagiging dugong bughaw niyo." Pinutol ko ang sasabihin ni Bael, dahilan para masama siyang tumingin sa akin.
"Isa pa, nagbantay ako sa inyo buong gabi, at kinabukasan ay bumili ako ng karne para sa inyo, wala ba kayong utang na loob sa akin?" tanong ko.
"Natural lang na gagawin mo 'yon dahil ikaw ang yuniko," sagot ni Cynrad.
"Sa pagkakaalam ko, kay Pavel lang ako maglilingkod, walang problema kung ako ang magluluto ng pagkain niya, basta siya lang ang kakain. Siya lang ang kakain ng karne sa harapan niyo," sabi ko kaya masama siyang tumingin sa akin.
"Nagbantay ka sa amin buong gabi?" tanong ni Pavel na nasa tabi ko. Hindi ako lumingon sa kanya.
"Kung ganon ay kailangan mong magpahinga dahil ngayon pa lang tayo magsisimulang maglakbay, 'di ba?" tanong niya saka lumapit sa karne na dala ko.
"Ang problema kasi, hindi kami marunong magluto, sanay kami na pinagsisilbihan kami ng mga lutong pagkain," dagdag niya saka tumingin sa akin, bumuntong-hininga ako at naupo kung saan ako nakaupo kanina.
"Hindi ko problema kung hindi kayo marunong magluto, nagawa ko na ang trabaho ko, hindi trabaho ko ang magluto ng pagkain niyo dahil ang mga katulong sa kusina ang gumagawa no'n, tagapaglingkod lang ako ng prinsipe," sabi ko saka pumikit.
"Magpapahinga na ako," sabi ko habang pumipikit, kahit ang totoo ay hindi ako magpapahinga.
"Pwedeng pumunta ka sa silid para makapagpahinga ka nang maayos?" narinig kong tanong ni Pavel pero hindi ko siya pinansin.
"Huwag mong intindihin 'yan yuniko, ang dapat nating intindihin ay kung paano magluto." Rinig kong sabi ni Cynrad.
"'Yong babae kanina." Para naman kay Bael, nakakuyom ang kamao ko.
"Tama! Puntahan natin siya at ipaturo niya sa atin kung paano magluto." Rinig kong sabi ni Pavel.
"Tatawagan ko na lang siya," sabi ni Bael at narinig ko ang kanyang mga yapak na lumalabas ng kusina.
Gago, para bang tutulungan sila ng babaeng 'yon.
Kailangan nilang magsumikap at maranasan kung ano ang nararanasan ng mga normal na tao.
Lumipas ang ilang minuto nang marinig ko ang boses ni Bael.
"Sabi niya, hindi siya marunong magluto." Napangisi ako sa loob.
"Ha? Imposible?" tanong ni Cynrad.
"Sabi niya, wala siyang alam pagdating sa pagluluto, isa pa ay may trabaho siya." Rinig kong sabi ni Bael na mahina ang boses.
"Anong gagawin natin?" tanong ni Cynrad, gusto kong makita ang mga reaksyon nila kaya pinanatili kong nakapikit ang mga mata ng katawan ko habang ang kaluluwa ko naman ay lumabas ng katawan na 'yon.
Tumawa ako nang makita ko ang reaksyon sa mga mukha nilang tatlo, para silang mga bata na walang magawa kundi ang tumingin sa karne.
"Paano kung iprito na lang natin?" tanong ni Pavel kaya napatingin sa kanya ang dalawa.
"Marunong ka ba?" tanong ni Bael.
"Hindi, pero minsan naririnig ko sa mga tauhan sa kusina na kailangan lang ng langis para maluto ang karne," sabi ni Pavel kaya tumayo si Cynrad at lumapit sa mga panimpla at inangat ang isang bote na may langis lang.
"Oh, 'eto ang langis, tapos ano na?" tanong ni Cynrad at inabot kay Pavel ang langis.
"Um, kawali?" sagot ni Pavel, na agad namang inabutan ni Bael. Pinanood ng dalawa si Pavel na naglalagay ng langis sa kawali at nilagay ang karne sa kawali.
"Tapos?" tanong ni Bael.
"Dapat tumutunog, bakit hindi tumutunog." Tumawa ako nang makita ko ang naguguluhan at nagulat na itsura ni Pavel. Gago, paano lulutuin 'yon na walang apoy?
"Baka tumunog pa 'yon mamaya?" tanong ni Cynrad.
"Sige, hintayin na lang natin na tumunog," sabi ni Pavel at tinakpan ang kawali na may langis na baboy lang, tumawa ako habang tinitignan silang tatlo. Mga gago.
Bumalik ako sa katawan ko pero nanatili ang mga mata kong nakapikit.
"Nahihirapan ba si Ksara sa kanyang posisyon?" narinig kong tanong ni Pavel.
"Hayaan mo siya, ang problema natin ay kung paano papatunugin na prito," sabi ni Bael. Huminga ako nang malalim para pigilan ang pagtawa.
Ilang minuto pa ay nag-aaway na sila.
"Akala ko kailangan lang ng langis para maluto 'yon?" Bael.
"Bakit hindi pa tumutunog?" Pavel.
"Nagugutom na ako, aabutin pa ba tayo ng isang oras?" Cynrad.
"Mga gago," sabi ko at binuksan ang mga mata ko, nakita kong nakatingin silang lahat sa akin. "Paano lulutuin 'yon na walang apoy? Mga gago." Dagdag ko na nagtinginan sila at tinignan ang kawali sa harap nila.
"Teka nga pala, kailangan ng apoy para uminit," nahihiyang sabi ni Pavel habang kinakamot ang likod niya, nakita ko ang inis nina Bael at Cynrad habang si Pavel naman ay ngumiti lang at sinimulang buksan ang kalan at nilagay ang kawali na may langis at karne sa loob.
Mga gago.
"Gising ka kanina tapos pinabayaan mo lang kaming mag-away dito at maghirap dito?" tanong ni Pavel nang buksan niya ang kalan.
"Mukha ba akong inaantok?" tanong ko.
"Tama! Bakit hindi mo sinabi na kailangan ng apoy para maluto?" inis na sabi ni Bael. Tinignan ko siya.
"Nawala ka na ba sa utak? Akala mo langis ang makakaluto ng karne? Lahat ng pagkain na niluluto ay nangangailangan ng apoy, saan mo dinala ang utak mo?" tanong ko kaya natahimik sila. Tumayo ako at lumakad palayo sa kusina.
"Oi, saan ka pupunta?" tanong ni Pavel.
"Bibili ako ng pagkain ko," sagot ko at hindi na sila nilingon. Mga walang alam na dugong bughaw.