Avila
Tumigil ako sa paglakad nung tumigil sa paglutang yung balahibo na binigay sa akin ng mortal naming kalaban, tumingin ako sa harap ko at nakita ko yung maliit na bahay na nakatayo sa tabi ng patay na puno. Madilim yung paligid kahit na sumisikat pa yung araw, kakaiba yung pakiramdam sa lugar na 'to, malamig yung paligid kahit na walang hangin, parang patay yung paligid kahit na sa kabilang banda nito buhay na buhay yung mga halaman. Dinala ako ng balahibo sa tuktok ng bundok, naglakad ako ng mahigit isang araw para lang makarating dito sa harap ng isang maliit na bahay.
Huminga ako ng malalim at kumatok sa pintong kahoy.
“Avila.” tawag ko pero walang sumagot. Kumatok ulit ako at sa pagkakataong 'to malakas, biglang bumukas yung pinto at nailuwa nung lalaki na naging dahilan kung bakit sobrang naparusahan si Avila.
“Sino ka?” tanong niya agad, tiningnan ko yung mukha niya.
“Castiel, sino yun?” Tumingin ako sa nagsalita sa tabi niya at ngumiti nung nakita ko si Avila.
“Avila.” tawag ko at akmang lalapit sa kanya, nangharang si Castiel sa harap niya.
“Sorry, pero hindi pamilyar sa akin yung mukha mo. Hindi ko matandaan na nagkaroon ng kaibigan yung asawa ko, paano ka nakarating dito?” Tanong niya kaya napanganga ako. “Paano mo nakilala yung asawa ko?” tanong niya kaya tiningnan ko si Avila na nakatingin lang sa isang direksyon.
“Sino yan?” tanong ni Avila, kaya dahan dahan kong itinaas yung kamay ko sa harap niya at winagayway ko, dun ko lang narealize yung dahilan kung bakit hindi niya ako binati. Hindi niya nakikita.
“Sister…” mahina ko siyang tinawag at dahan dahan kong ibinaba yung kamay ko, nakita ko kung paano nagbago yung ekspresyon ni Avila, agad niyang itinaas yung kamay niya kaya agad akong pumunta sa harap niya at sa oras na mahawakan niya ako tumulo yung luha sa mata niya. Gumuhit yung ngiti sa labi niya at dahan dahan niyang itinaas yung kamay niya papalapit sa mukha ko.
“Ksara.” Mahina niya akong tinawag at nakangiti, agad uminit yung mata ko at sa mga dahilan na hindi ko alam, biglang tumulo yung luha ko sa oras na mahawakan niya yung pisngi ko.
“Anong ginagawa mo dito?” Umiyak siya kaya tiningnan ako ni Castiel.
“So, ikaw pala yung kapatid na lagi niyang binabanggit sa akin.” Sabi niya tapos binuksan ng maayos yung pinto.
“Pasok ka.” Sabi niya tapos ngumiti siya sa akin. “Ipaghahanda kita ng meryenda.” Sabi niya nito at tinulungan niya si Avila na umupo sa isang lumang upuan, agad akong pumasok at luminga linga. Mas maliit 'to kesa sa bahay ni Gabriel, umupo ako sa harap ni Avila at sa oras na umalis si Castiel agad kong hinawakan yung kamay ni Avila, na agad namang hinawakan yung kamay ko.
“Kamusta na ang kapatid ko? Ilang dekada na rin nung nahawakan ulit kita.” Sabi niya habang nakangiti, ngumiti ako at hinalikan yung kamay niya na hawak ko.
“A-anong nangyari sayo?” Biglang nabasag yung boses ko sa oras na magsalita ako, ngumiti siya sa akin ng mapait at kasabay nung ginawa ko ginabayan niya yung kamay ko sa labi niya para halikan.
“B-bakit hindi mo ako nakikita?” Nalaglag yung panga ko sa oras na tumulo na naman yung luha niya. Hindi ko akalain na mangyayari 'to nung nagkita kaming dalawa. Sa aming anim na magkakapatid, siya lang yung hindi ko kayang gawan ng masama. Para bang naging maamong tupa ako pagdating kay Avila dahil siya yung nag-iisang kapatid ko na malapit sa akin at laging nakakaintindi sa akin.
“Ito yung… parusa ko.” Mahina niyang sabi. “Ito yung isa sa mga parusa na natanggap ko sa kanila.” Sabi niya dahilan para makaramdam ako ng galit sa kanila. “Ito yung parusa na binigay nila sa akin dahil minahal ko yung isang kalaban.” Sabi niya habang nakangiti. “Pero hindi ako nagsisisi na mas pinili kong mahalin yung kalaban kesa kalabanin sila.” Sabi niya habang nakangiti at makikita mo yung pagmamahal para sa anghel na yun sa mata niya.
“Bakit ikaw lang yung pinarurusahan? Bakit hindi ko nakikita na may mali sa kanya?” Tanong ko, umiling siya sa akin.
“Pinarusahan din siya, katulad ko. Pinuputol din nila yung pakpak niya, inalis nila yung pagkakakilanlan niya sa mga anghel na kasama niya at… pati yung alaala niya sa kanila ay inalis sa kanya.” Sabi niya tapos umupo siya ng maayos.
“Palagi rin siyang nagrereklamo sa akin na bigla na lang daw nagkakaroon siya ng sugat sa iba’t ibang parte ng katawan niya.” Mahina niyang sabi tapos ngumiti siya ng mapait sa akin. “Pareho kaming humaharap sa parehong parusa dahil sa paglabag namin sa batas ng mga itim naming anghel.” Sabi niya kaya napalunok ako, tiningnan ko si Castiel habang nilalagay niya yung meryenda na ginawa niya sa harap namin. Umupo siya sa tabi ni Avila at hinawakan yung kamay niya tapos ngumiti siya sa akin.
“Mabuti naman at bumisita ka.” Sabi ni Castiel, kung titingnan mo siya, mukha siyang normal na tao imbis na anghel na katulad niya.
“Gusto ko talaga pumunta dito, lalo na para makita si Avila dahil may gusto akong malaman.” Sabi ko kaya tumango si Castiel tapos tiningnan niya si Avila.
“Una na ako sa kwarto, maiwan ko muna kayo.” Sabi niya kay Avila tapos hinalikan niya sa noo bago umalis, ngumiti ako at tiningnan si Avila.
“Hindi na ako magtataka kung bakit siya yung pinili mo.” Sabi ko, ngumiti siya sa akin.
“Anong gusto mong malaman?” Tanong niya, huminga ako ng malalim at sumandal sa upuan ko.
“Alam kong ikaw lang yung makakaintindi sa akin.” Sabi ko at napalunok, hawak ko yung kanang kamay niya.
“Gusto kong… malaman kung sino talaga ako.” Sabi ko dahilan para tumigil siya at manigas.
“Please, Avila. Gusto kong malaman kung sino ako, may karapatan akong malaman yung totoong ako.” Sabi ko. Hininga siya ng malalim sa akin tapos hinawakan niya yung kamay ko.
“Hindi ko alam kung sino ka talaga.” Sabi niya. “Pero, alam ba nila mother at father na gusto mong malaman kung sino ka talaga?” tanong niya. Napalunok ako sa tanong niya. Hindi alam nila father at mother na gusto kong malaman kung sino ako.
“Hindi.” Sagot ko ng mapait, ngumiti siya sa akin ng nagdududa.
“Kaunti lang yung alam ko tungkol sayo, kaya yun lang yung impormasyon na maibibigay ko sayo.” Sabi niya, agad akong tumango.
“Okay lang sa akin yung kaunting impormasyon na malalaman ko.” Sabi ko, ngumiti siya sa akin tapos binitawan niya yung kamay ko at sumandal siya sa upuan niya.
“Ang alam ko lang ay… hindi ka anak nila mama at papa.” Sabi niya kaya napanganga ako. “Kaming lima lang yung mga anak nila, birthday ko nung isang daan na taon na yung nakalipas nung nakita kita sa kwarto ni father.” Sabi niya na nagpatigas sa akin.
“Yung itsura mo ay pareho pa rin nung nakita kita, yung pagkakaiba lang ay.. wala kang sungay dahil nilagyan kita nun nung hindi ka gising.” Sabi niya kaya lalo akong nagulat sa sinabi niya.
“Pasukin mo yung isip ko Ksara, ipapakita ko sayo yung mga alam ko.” Mahina niyang sabi kaya kahit na nagulat yung buong katawan ko sinunod ko yung sinabi niya, ginamit ko yung kapangyarihan ko para pumasok sa isip niya at katulad ng sinabi niya… ipinakita niya sa akin yung mga alam niya.