Nawala ang sumpa
“Talaga?!” tanong nina Pavel at Bael sabay pa, tumango naman si Abiah sa kanilang dalawa habang nakangiti.
“Oo! Makakauwi na tayo!” masayang sabi ni Bael at niyakap si Pavel.
“Pero paano nawala ang sumpa?” tanong ni Pavel sa banal na babae.
“Alam mo, hindi na mahalaga kung anong nangyari at kung paano natanggal ang sumpa. Ang importante ay makakauwi na tayo at madadala natin si lolo kasama natin at pagkatapos ikaw na ang magiging hari!” masayang sabi ni Abiah. Napatingin si Lolo Gabriel sa direksyon ko. Tumaas lang ang kilay ko tapos sumimangot, ganun din ang pagtingin sa akin ni Cynrad.
“Ksara, narinig mo ba 'yun? Makakauwi na tayo at wala na ang sumpa!” masayang sabi sa akin ni Pavel tapos lumapit sa akin at niyakap ako. Ngumiti ako habang yakap niya ako.
“Ikaw na ang magiging hari.” sabi ko nang nakangiti, kumalas siya sa yakap at tumingin sa akin nang nakangiti.
“Hindi ko alam kung paano o anong nangyari para mawala ang sumpa pero gaya ng sabi ni Abiah, hindi na mahalaga, dahil ang importante ay wala na ang sumpa.” sabi ni Pavel habang nakatingin sa akin, natawa ako.
“Maghanda na kayo ng mga gamit niyo, bukas babalik na tayo sa Winsoul.” sabi ko, agad naman siyang napatayo nang maayos at nagbigay galang sa akin.
“Roger that!” sabi niya nang nakangiti tapos masayang hinila si Bael papunta sa kwarto. Nawala ang ngiti sa labi ko nang mapansin kong nakatingin silang tatlo sa akin.
“Ano?” tanong ko.
“Abiah, Cynrad, maghanda na kayo ng mga gamit niyo. Mag-uusap muna kami ni Ksara.” sabi ni Lolo Gabriel, agad naman silang sumunod sa kanya. Ngayon kami na lang ni Lolo Gabriel ang natitira dito sa sala. Tumingin siya sa akin at huminga nang malalim.
“Nakipagkasundo ba sa 'yo si Abiah?” tanong niya kaya tinitigan ko lang siya at hindi sumagot.
“Ano ang kapalit ng kanyang pagsang-ayon sa 'yo?” tanong niya habang seryosong nakatingin sa akin. Natawa ako tapos sumandal sa sofa at pumikit.
“Wala.” sagot ko, narinig ko ang mahina niyang pagtawa. Tawag na halatang hindi makapaniwala.
“Ang mga katulad mo ay hindi humihingi ng kapalit.” sabi niya kaya lalo pang sumilay ang ngiti sa labi ko. “Kaluluwa at buhay niya ang kapalit?” tanong niya kaya sa pagkakataong ito ay tiningnan ko siya nang may ngiti sa aking mga labi.
“Paano kung sasabihin kong oo? May magagawa ka ba?” tanong ko, nawala ang mapaglarong ngiti sa kanyang mga labi, napalitan ito ng galit at pagkakunot ng noo na lalo kong ikinatawa.
“Relax, matanda, wala akong kukunin sa kanya at wala rin siyang kasunduang ginawa sa akin.” sabi ko tapos humiga sa sofa, ipinikit ko ang aking mga mata, ramdam ko ang kanyang titig sa akin.
“Paano nawala ang sumpa?” diretsong tanong niya. Hindi ko siya sinagot noong una, nag-iisip pa ako kung sasabihin ko ba sa kanya o hindi. Bukod sa kanya, alam naman nila Cynrad at Abiah kung ano talaga ako. Wala naman sigurong mawawala kung sasabihin ko sa kanya ang ginawa namin ni Abiah.
Huminga ako nang malalim at nanatiling nakapikit ang mga mata.
“Nakipagkasundo ako sa kanya.” sabi ko, naramdaman kong natigilan siya kaya minulat ko ang aking mga mata at tiningnan siya. Unti-unting nawala ang ngiti sa labi ko habang nakatingin ako sa kanya na halatang nagulat sa sinabi ko.
“Isang demonyo na nakipagkasundo sa isang tao?” tanong niya, tumango ako.
“'Yun na 'yun.” sabi ko.
“Ano ang kapalit ng iyong kasunduan sa tao?” tanong niya kaya tinitigan ko lang siya. “Sigurado akong ang kasunduan mo sa tao ay may kinalaman dito.” sabi niya.
Kung sakaling matuloy ang bagay na kinatatakutan ko, siya siguro ang makakapagpaliwanag kay Pavel kapag nangyari na 'yun.
Umupo ako at seryosong tiningnan siya.
“Ipangako mo sa akin ito, matanda.” sabi ko habang nakatingin sa kanya. “Ipangako mo na hindi mo sasabihin kay Pavel ang sasabihin ko.” sabi ko sa kanya. Tumingin lang siya sa akin na parang naguguluhan.
Ngumiti ako sa kanya.
“Ang aking buhay ang kapalit ng aking kasunduan sa mga tao.” sabi ko kaya nanigas siya. Natawa ako sa reaksyon niya. “Ang mga nilalang na katulad ko ay nabubuhay ng ilang daang taon, o minsan pa nga ay libo. Nakipagkasundo ako kay Abiah sa unang pagkakataon, wala akong kinuha sa kanya at wala rin akong nawala sa kanya. Ang nawala lang ay ang isang daang taon ng aking buhay.” sabi ko habang nakatingin sa kanya.
“Kanina, nakipagkasundo ulit ako kay Abiah para mawala ang sumpa. At ang kapalit ay kalahati ng aking buhay.” sabi ko ngumisi lang ako sa kanya. “Bahala ka kung maniniwala ka o hindi, kayong mga tao. Makikitid ang utak niyo.” sabi ko sa kanya pagkatapos.
“Para mawala ang sumpa, nakipagkasundo ka sa isang tao, kahit kalahati na ng iyong buhay?” tanong niya, tiningnan ko lang siya.
“Pero bakit?” tanong niya, kaya natawa ako.
“Simple lang, dahil gusto kong bumawi sa nagawa sa akin ni Pavel noong nakaraan kong buhay.” sagot ko. Tinitigan lang niya ako na parang hindi makapaniwala sa sinabi ko.
“Mahal mo siya, 'di ba?” tanong niya.
“Kung 'yun ang nararamdaman ko, siguro.” sagot ko tapos ngumiti sa kanya. “May isa pa akong hindi pwedeng sabihin sa 'yo.” sabi ko kaya tumingin ulit siya sa akin.
“Malakas si Alada, malakas ang sumpa na ginawa niya, kaya ganun. Inipon ko ang kalahati ng aking buhay, para mawala ang sumpa.” sabi ko kaya napatingin siya. “Sa madaling salita, ang edad ko ngayon ay Dalawang daan at limampu't anim na taon. Hindi ako aabot ng tatlong daang taon dahil sa ginawa ko.” sabi ko, nagulat ang mukha niya dahil sa sinabi ko. Nanatili ang ngiti sa aking mukha.
“Nagsinungaling ako kay Abiah.” mahinang sabi ko, biglang tumulo ang mga luha na hindi ko man lang namalayan na matagal nang nabuo. “Binigyan ko siya ng palaisipan na sigurado akong hindi niya mahuhulaan.” agad kong pinunasan ang aking mga luha. “Isang enigma na hinaluan ng kasinungalingan.” dagdag ko. Tumayo ako at huminga nang malalim.
“Tandaan mo, sasabihin ko sa 'yo kung kailan mo dapat sabihin kay Pavel ang pinag-usapan natin.” malamig kong sabi habang nakatingin sa kanya, tumango siya bilang sagot. Akmang lalakad na ako papunta sa kwarto nang magsalita siya.
“Anong mangyayari kapag nawala ka?” biglang sabi niya na naging dahilan para ako ay tumigil. Hindi ako gumalaw, tumingin ako sa orasan pero ipinikit ko rin ang aking mga mata. Huminga ako nang malalim tapos tumingin sa matanda.
“Kapag wala na ako, mawawala lahat ng alaala mo sa akin.” mahinang sagot ko. Nagkatinginan lang kaming dalawa. Wala siyang sinabi sa sinabi ko. Pero pagkalipas ng ilang minuto ng pagtitig, nagtanong ulit siya.
“Bakit?” tanong niya, isang tunay na ngiti ang bumaluktot sa aking mga labi. Pagkatapos ay tumingin sa malayo.
“Dahil sa mga panahong iyon, sigurado akong galit na sa akin si Pavel.”